Di naglaon, hiningi niya sa kaibigan kong babae ang numero ng aking telepono. At doon na nagsimula ang aming pakikipag-interaksyon sa isa't-isa. Noong una'y naiilang ako kapag nagkikita kami sa paaralan, dahil sa sobrang close na namin sa text. Nagulat na lamang ako nang nagtapat siya sa akin sa text na simula pa lamang ay may gusto na siya sa akin. Hindi ako makapaniwala noon. Hindi ko alam ang gagawin ko. Sisigaw ba? Magugulat? O ano pa.
Naisip ko na baka pinaglalaruan niya lang ako. Ngunit ramdam ko na rin siya. Hindi ko talaga alam. Dahil una pa lamang, isa sa mga gusto ko sa mga lalaki ay marunong maglaro ng basketball. Hindi na rin siguro naging mahirap sa akin ang paghanga sa kanya. Masaya siyang kasama. Palatawa. Mahilig magbiro. Lahat!
Ilang buwan din ang lumipas. Naging matabang na siya sa akin. Siguro'y dahil ito sa pagiging isnabera ko kapag nagkikita kami. Ang totoo'y nahihiya lamang ako sa kanya. Wala na ang dating Kurimaw Wala na ang Kurimaw na nakilala ko. Wala na ang Kurimaw na sweet. Wala na..
Nalaman ko na lang sa kaibigan niya na may nililigawan na siya. Totoo. Masakit iyon para sa akin. Ngunit wala na akong magagawa dahil wala na siya. Sinayang ko ang mga pagkakataong ako dapat ang nasa harap niya. Ako ang nasa isip niya. Ako lang ang nakikita niya. Binalewala ko ang lahat ng ibinigay niya.
Ngayon, hindi na kami gaanong nag-uusap. Wala na kasing dahilan para mag-usap pa kami. Mas ikinabuti rin ng aking paglipat ng eskuwelahan ang paglimot sa nakaraan. Sa mapait na kahapon...
Ngunit nagpapasalamat na rin ako sa kanya, at natutunan ko ang isang mahalagang leksyon sa buhay ng isang lumalaking tulad ko. Huwag balewalain ang mga bagay na ibinibigay sayo ng iba. Kailangan natin silang suklian upang ipamahagi din nila uli sa iba.
At hindi rin naman siguro ako nagkamali sa ginawa kong hindi siya ang inatupag ko. Sa katunaya'y pag-aaral ang inuna ko kaysa sa pag-ibig. At malinaw na sa isip ko na normal lang sa isang teenager ang ma-in-love at magkaroon ng problema na dapat niyang ayusin nang mag-isa.
A true to life story. 07/16/11 1:19AM